3 pekeng MTPB enforcer timbog!

3 pekeng MTPB enforcer timbog!

October 18, 2022 @ 10:07 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Timbog ang tatlong nagpanggap na tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau o MTPB dahil sa pangingikil sa mga motorista.

Kinilala ang mga suspek na sina Jericho Estares y Cabuhayan, 44, binata, construction worker, nakatira sa Romana Ext Blk 3 Brgy 103 Tondo; Mark Buzeta y Arquero, 35 , binata,walang trabaho ng  311 Innocencio St. Tondo ; at si Almario Duque y Austria, 30 , walang asawa at residente ng 17C Maginoo St Tondo Manila.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang MPD-Station 1 hinggil sa talamak na robbery extortion na ginagawa ng isang grupo na nakasuot pa ng uniporme ng MTPB na nambibiktima ng mga komyuter sa kahabaan ng Mel Lopez Blvd kanto ng Moriones St.

Dahil dito agad na  ipinag-utos ni PLt.Col Rosalino Ibay sa kanyang mga tauhan na magsagawa ng intelligence driven operation sa lugar, Linggo ng umaga.

Isa si Noel Batister Cardenal, truck driver at tubong Leyte ang natyempuhan ng mga operatiba na binibiktima ng mga suspek at kinikilan ng halagang P1,000 upang maayos ang kanyang umanoy  traffic violation.

Dito na kumilos ang mga operatiba at agad inaresto ang tatlong pekeng traffic enforcer na batay sa beripikasyon mula sa tanggapan ng MTPB, sila ay walang sertipikasyon o hindi lehitimong tauhan nito.

Bunsod nito, sila ay sasampahan ng kasong  Robbery Extortion and Usurpation of Authority. Jocelyn Tabangcura-Domenden