3 Pinoy, 1 Koreano kinidnap ng armadong grupo sa Libya

3 Pinoy, 1 Koreano kinidnap ng armadong grupo sa Libya

July 7, 2018 @ 10:12 AM 5 years ago


Benghazi, Libya – Tatlong Filipino at isang Korean national ang iniulat na dinukot ng armadong grupo sa pinagtatrabahuhang water plant sa timog-hilaga ng Libya.

Kinidnap din ng grupo ang ilang manggagawang Libyan sa pagsalakay na isinagawa bandang umaga sa Al-Hassouna plant, malapit sa Ishwirif, subalit pinalaya rin ang mga ito makaraan.

Sinabi ng isang opisyal ng Libya na tumangging magpakilala, hindi pa matiyak kung ang Korean citizen ay mula sa North Korea o South Korea.

Ang tatlong Pinoy at ang Koreano ay pawang nagtatrabaho bilang technician sa water plant.

Kinumpirma ng mga opisyal sa Great Man-made River Project ang nangyaring abduction sa inilabas na kalatas at hiniling ang agad na pagpapalaya sa apat na biktima sa lalong madalig panahon.

Iba’t ibang armadong grupo, kabilang ang Islamist militants na may kaugnayan sa al Qaeda at Islamic State ang kumikilos sa Libya, partikular sa mga remote desert areas.

Kaugnay nito, wala pang kumpirmasyon o impormasyon man lang na inilalabas ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa ulat na pagkidnap sa tatlong Filipino sa Libya. (Nats Taboy)