3 politikong nasa narco-list, pumalag

3 politikong nasa narco-list, pumalag

March 15, 2019 @ 8:34 AM 3 years ago


Manila, Philippines – Nanindigan ang tatlong politiko na hindi sila sangkot sa illegal drug trade matapos silang mapasama sa mga pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kasama sa narco-list.

Nitong Huwebes inilabas ni Pangulong Duterte ang bagong narco list at sinabing ang mga pinangalanang politiko ay mahaharap sa kasong administratibo sa Office of the Ombudsman.

READ: Ilang kasama sa narco-list, ikinanta ni PDU30

Gayunpaman, binigyang diin ni reelectionist San Rafael, Bulacan Mayor Cipriano Violago Jr. na nakipagkooperasyon sa lahat ng imbestigasyon simula noong 2016 at isinisi pa sa kaniyang katunggali ang kaniyang pagkakasama sa listahan.

“Ako ay ‘cleared’ sa Municipal Level, Provincial Level, Regional Level, hanggang sa Camp Crame at iba pang mga ahensya. Subject for ‘de-listing’ na ang aking pangalan ngunit may humaharang nito sa mas mataas pang tanggapan: ang Office of the President,” ayon kay Violago sa isang post sa Facebook.

Nanindigan si Violago na handa siyang muling sumailalim sa imbestigasyon upang malinis ang kaniyang pangalan.

Samantala, mariin ding pinabulaanan ni Subic Mayor Jefferson “Jay” Khonghun, tumatakbo bilang vice governor sa eleksiyon sa Mayo, na hindi siya sangkot sa illegal drug trade.

Ayon kay Khonghun sa Facebook Live video, “Hindi na po namin kailangan gawin na magprotekta ng droga or maging durg lord dahil hindi naman po kami ganun kahirap.”

Tinanggi din ni House Committee on Constitutional Amendments chair Vicente Veloso ng Leyte na siya ay protektor o sangkot sa illegal drug trade.

Si Veloso ang may pinakamataas na rangkong mambabatas na nasa listahan.

Ayon kay Veloso, matagal na niyang nalinis ang kaniyang pangalan sa pamamagitan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ni self-confessed drug distributor Kerwin Espinosa. /Remate News Team