3 preso nanaksak ng pulis, nang-hostage kay De Lima, patay

3 preso nanaksak ng pulis, nang-hostage kay De Lima, patay

October 9, 2022 @ 10:42 AM 2 months ago


[UPDATE] MANILA, Philippines – Patay ang tatlong preso na nanaksak ng pulis at nagtangka pang i-hostage si dating Senador Leila de Lima sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City kaninang pasado alas-6:30 ng umaga.

Ayon kay Philippine National Police chief Police General Rodolfo Azurin Jr., sinubukan pa sanang tumakas ng tatlong bilanggo o persons under PNP custody (PUPC) na kinilalang sina Arnel Cabintoy, Idang Susukan at Feliciano Sulayao Jr. makaraan saksakin ang pulis na si PCpl. Roger Agustin na ngayon ay nasa kritikal na kondisyon.

Agad naman rumesponde ang isa pang pulis na naka-duty at nabaril sina Cabintoy at Susukan na nagresulta sa pagkasawi ng mga ito.

Nakatakbo naman si Sulayao at nagtungo sa selda ni De Lima upang i-hostage ito na kalaunan ay napatay din.

“Nag-warning yung isang pulis natin… Nung hindi masawata yung tatlo, binaril niya yung dalawa. Yung isa ay tumakbo dun sa selda ni Sen. de Lima at hinostage si Sen. de Lima,” ani Azurin sa panayam naman ng TeleRadyo.

“And then, nagresponde nang mabilis yung ating kapulisan. They were able to secure, and safe naman po na naano si Sen. de Lima. So namatay yung tatlong preso na nagtangkang tumakas,” dagdag pa niya.

 

PANOORIN:

Maayos ang lagay ni De Lima na agad dinala sa ospital upang masuri.

“Senator de Lima is now safe while the police officer who was stabbed was rushed to the hospital for treatment. Three PUPCs were all neutralized and SOCO is now at the scene of the incident,” sinabi ni PNP Public Information Office Chief PBGen. Roderick Augustus Alba.

“Tension inside the detention facility has been defused and the situation has returned to normal while investigation is ongoing to review the security protocols inside the PNP Custodial. That is all we can tell you at the moment. We will keep you posted of other developments as more information becomes available,” dagdag pa niya.

Samantala, ipinag-utos na ni Azurin ang malalimang imbestigasyon sa nangyaring insidente. RNT/JGC