3 pulis-Maynila sinibak sa pangingikil, nagpanggap pang taga PDEA

3 pulis-Maynila sinibak sa pangingikil, nagpanggap pang taga PDEA

June 28, 2018 @ 1:39 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Sinibak sa puwesto ang tatlong pulis-Maynila matapos ireklamo ng pangingikil ng babaeng umano’y mga drug suspek na una nilang inaresto sa Ermita, Maynila.

 

Kinilala ang mga pulis na sina PO1 Jeffrey Calaguas, PO1 Radame Manlikmot at PO1 Edmar Cayanan,na pawang mga nakatalaga sa Anti-Crime Office ng Manila Police District-PS 5.

 

Ang tatlo ay nagpanggap pa umanong mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

 

Nauna rito, inaresto umano ng mga pulis ang anim na babae kasama ang isang ginang na  Overseas Filipino Workers (OFW) na umano’y mga drug suspek sa loob ng isang bahay sa UN Avenue sa Ermita, Maynila.

 

Nakiusap umano ang ginang sa mga pulis na huwag siyang arestuhin dahil papaalis na ito patungong ibang bansa.

 

Kasunod nito, hiningan ito ng mga pulis ng halagang P300,000  na bumaba sa halagang P50,000.

 

Tinawagan ng ginang ang kanyang mister upang dalhin ang naturang salapi ngunit bago pa man magtungo sa MPD-PS 5 kung saan dinala ang ginang ay tumawag muna ang mister nito sa PDEA upang kumpirmahin kong may tauhan silang nagsagawa ng operasyon sa Maynila.

 

Nang nalamang negatibo, dito na nagpasaklolo ang mister ng ginang kay MPD Director CSupt.Rolando Anduyan at ikinasa ang entrapment operation kung saan naaresto ang tatlong pulis dakong alas 2 ng madaling araw.

 

Nadismaya naman si National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director PCSupt. Guillermo Elezar, sa insidente dahil may mga ilang mga miyembro pa rin ng Philippine National Police (PNP) ang mga tiwali bagama’t dinoble na aniya ang mga sweldo ng mga PO1.

 

Nahaharap sa kasong administratibo at extortion ang tatlong pulis. (JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN)