3 pulis na dawit sa missing e-sabong agent, kakasuhan ng DOJ

3 pulis na dawit sa missing e-sabong agent, kakasuhan ng DOJ

December 19, 2022 @ 4:13 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Department of Justice (DOJ) nitong Lunes na kakasuhan nito ang tatlong miyembro ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng pagkawala ng e-sabong agent noong 2021.

Base sa DOJ, ihahain ang impormasyon laban kina Police Staff Sergeant Daryl Panghangaan, Patrolman Roy Navarete, at Patrolman Rigel Brosas sa robbery at kidnapping sa San Pablo City Regional Trial Court.

Nag-ugat ito sa umano’y pagdukot sa e-sabong agent na si Ricardo Lasco mula sa kanyang tahanan sa Barangay San Lucas, San Pablo City noong August 30, 2021.

“During the preliminary investigation, the Investigating panel finds probable cause against respondents Paghangaan, Navarete, and Brosas for robbery and kidnapping of Lasco,” pahayag ng DOJ sa isang briefer.

“These respondents were identified by the complainants,” dagdag nito.

Inaresto umano nina Paghangaan, Navarete, at Brosas, kasama ang iba pa si Lasco hinggil sa krimeng large-scale estafa na ikinasa laban sa kanya.

Inihayag ng kanyang mga kaanak na inisyal na nagpakilala ang PNP members bilang operatiba ng National Bureau of Investigation.

Lahad pa nila, kumuha rin umano ang mga pulis ng ilang valuables mula sa kanila.

Sangkot din umano rito sina Police Lieutenant Henry Sasaluya, Police Master Sergeant Michael Claveria, at ilan pang John Does.

Subalit, sinabi ng DOJ na ibinasura ang mga reklamo laban sa ibang respondents dahil sa lack of probable cause. RNT/SA