3 pulis sa Maynila sinibak

3 pulis sa Maynila sinibak

October 26, 2022 @ 9:49 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinibak na sa puwesto ang tatlong pulis na sangkot sa armed encounter na ikinamatay ng isang indibidwal sa Sampaloc, Maynila noong Lunes ng madaling araw.

Kasabay ng pagkumpirma ni MPD District Director P/Brig.Gen. Andre Dizon, sinabi niya na ni-relieve na ang ang tatlo habang nagpapatuloy at gumugulong ang masusing imbestigasyon sa insidente.

Kabilang sa mga sinibak sina PCpl Jeffrey Toledo, Patrolman Pat Kayang-O na kapwa nakatalaga sa Tactical Motorized Riders Unit o TMRU ng MPD-Station 4 at P/Maj Rommel Purisima na nakatalaga naman sa District Special Operation Unit o DSOU-MPD.

Ang tatlong pulis ay nakita sa CCTV na nakapalitan ng putok ng naarestong babaeng negosyante na si Kristie Rose Castro y Infante sa kahabaan ng Mindanao St., sa Sampaloc, Maynila kung saan namatay ang kanyang kasambahay na si Reanne Pilar.

Lulan ang suspek ng kanyang Ford Ranger (ABP 1605) nang huminto sa tapat ng isang bahay na sinasabing bahay ni Purisima saka umalis.

Ilang sandali pa, may dumating nang responde ngunit bumalik ang suspek at muling nagpaulan ng bala hanggang sa nauwi sa engkwentro at habulan.

Naharang ang sasakyan ng suspek sa bahagi ng Ramon Magsaysay Boulevard ng mga pulis at dito na rin nalaman na nasawi ang kanyang kasambahay.

Sa ngayon, hindi pa rin batid ang motibo ng pagpapaulan ng bala ni Castro sa harap ng bahay ni Purisima. Jocelyn Tabangcura-Domenden