3 pulis sa Rizal arestado sa pangingikil

3 pulis sa Rizal arestado sa pangingikil

March 19, 2022 @ 3:00 PM 3 months ago


MANILA, Philippines- Arestado ang tatlong pulis sa Rizal sa umano’y pagtatangkang mangikil ng pera mula sa isang lalaking anila’y may nilabag na batas na may kinalaman sa iligal na droga.

Kinilala ang mga inaresto na sina Police Master Sgt. Darlino Casamayor Jr.; Police Corporal William Sayago; at Pat Allen Bey Tendilla, na kapwa tauhan ng Intelligence/ Drug Enforcement Team sa Tanay Municipal Police Station.

Sinabi ni Gen. Dionardo Carlos, chief ng Philippine National Police (PNP), na nagsimula ang operasyon kung saan nahuli ang mga pulis nang maghain ng reklamo ang 31-anyos na si Aljon Marcelino Indon.

Batay sa ulat, hinuli siya ng mga suspek nitong Huwebes sa umano’y paglabag sa Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Habang nasa loob umano ng police station, inalam umano ng tatlong pulis ang laman ng kanyang bulsa, kung saan ipinakita niya ang halos P93,000.

“At this juncture, the suspects allegedly made an arrangement with Indon and due to fear of being charged for violation of RA 9165, he opted to give the money in exchange for his freedom. Indon, however, requested for a small amount of the said money where the suspects, after giving him P23,000, released him,” ayon kay Carlos.

Agad namang nagpatulong si Indon saTanay Municipal Police Station, na nagsagawa ng operasyon kung saan nahuli ang tatlong suspek. Nasamsam mula sa kanila ang perang nagkakahalaga ng P49,000.

“The PNP does not tolerate and condemn any member of the organization who transgresses the law and gets involved in illegal activities. We will see to it that all errant police personnel will be sanctioned accordingly and shall face dismissal from police service after accorded them with due process,” giit ni Carlos. RNT/SA