3 rumespondeng tanod binugbog ng 2 ‘butangero’ sa Bulacan

3 rumespondeng tanod binugbog ng 2 ‘butangero’ sa Bulacan

August 24, 2022 @ 4:51 PM 1 month ago


Bulacan- Kalunos-lunos ang sinapit ng tatlong barangay tanod na rumesponde sa isang insidente nang pananakit matapos silang bugbugin ng dalawang binatang nanlaban sa Meycauayan.

Kinilala ang dalawang suspek na sina Mark Perez, 24, construction worker at Jhonjhon Barrameda, 19, kapwa residente ng Brgy. Saluysoy.

Ang mga biktima ay sina Brayner Francisco, 50, may-asawa, Wency Demers , 22, binata at Edabar Francisco, 23 kapwa mga tanod.

Sa report ng pulisya, nangyari ang insidente bandang alas-6 ng umaga nitong Agosto 21 sa nabanggit na lugar.

Ayon sa report, rumesponde ang mga tanod sa isang kaguluhan subalit nang dumating ang mga tanod ay nakasagutan nila ang mga suspek.

Sinasabing nang tangkang arestuhin ng mga tanod ang mga binatang nakasagutan ay kapwa mga pumalag ang mga ito.

Dahil dito, sinuntok ni Jhonjhon sa tiyan ang tanod na si Brawner habang inagaw din nito ang baton ni Wency na ipinalo sa kanyang ulo at sinipa naman ni Mark sa mukha si Edabar.

Nang humupa ang gulo at dumating ang responde ng mga tanod sa lugar ay kapwa naaresto naman ang mga suspek.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong Direct Assault, Alarm and Scandal at Resistance and Disobedience to an Agent of Person in Authority. Dick Mirasol III