3 sa 4 na Cessna plane crash victims nakuha na – mayor

3 sa 4 na Cessna plane crash victims nakuha na – mayor

March 2, 2023 @ 9:31 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Matagumpay na nakuha ang tatlo sa apat na bangkay ng mga biktima ng Cessna plane crash sa dalisdis ng Bulkang Mayon, ayon kay Camalig, Albay Mayor Carlos Baldo nitong Huwebes, Marso 2.

Aniya, inaasahang susunod na makukuha ang ikaapat na bangkay sa araw na ito.

“As of 3:13AM, a total of 3 bodies from the Cessna 340A crash have so far been dropped off in Brgy. Anoling,” ani Baldo.

“Responders carrying the last crash victim are expected to arrive within the day,” dagdag niya.

Hindi naman tinukoy ng alkalde kung kaninong mga bangkay ang nakuha na.

Kasabay ng retrieval, ituturn-over sa Scene of the Crime Operation (SOCO) at Philippine National Police (PNP) ang labi ng mga biktima para sa karagdagang assessment.

Ani Baldo, ang unang katawan ay dinala sa Barangay Anoling nitong Miyerkules, Marso 1 at dumating naman ang ikalawang bangkay bandang ala-1:07 ng madaling araw ng Huwebes, sa kaparehong barangay.

Matatandaan na noong Pebrero 18 ay iniulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nawawala ang Cessna plane na may registry number na RP-C2080 matapos lumipad mula sa Bicol International Airport at patungo sana sa Metro Manila.

Kalaunan ay natukoy ang mga sakay ng nawalang eroplano na sina pilot Captain Rufino James Crisostomo Jr. at co-pilot nito na si Joel G. Martin, kasama ang mga pasahero na sina Simon Chipperfield at Karthi Santhanam, foreign national. RNT/JGC