3 sa 5 bata, ‘psychologically abused’ – CWC

3 sa 5 bata, ‘psychologically abused’ – CWC

November 10, 2022 @ 11:30 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Halos tatlo sa limang Pilipinong bata ang nakararanas ng psychological abuse, ayon sa isinagawang pag-aaral ng Council for the Welfare of Children (CWC).

Sa  Laging Handa public briefing nitong Miyerkules, sinabi ni CWC Public Affairs and Information Head Elino Bardillon na sa pagdiriwang ng bansa sa National Children’s Month, tinututukan ng ahensya ang estado ng kanilang mental health.

Inihayag ni Bardillon na isinagawa ang pag-aaral bago ang pandemya noong 2019 at mas pinalala pa ng COVID-19 ang sitwasyon.

“Bago pa mag-pandemic – kasi iyong pandemic medyo malala kasi – bago mag-pandemic ay mayroon kaming ginawang pag-aaral, mahigit 3,000 mga bata, ininterbyu namin at lumabas doon na tatlo sa limang bata ay psychologically abused,” pahayag ni Bardillon.

“Alam mo ba na maraming bata ay minumura, inaalipusta, so mga negative words – psychological abuse sila at nagreresulta iyon sa stress, anxiety,”patuloy niya.

Binanggit din ni Bardillon ang situational analysis na isinagawa ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) kung saan napag-alaman na 10 sa 15 porsyento ng mga Pilipino edad 5 hanggang teenage years ang may mental health problems na maaaring humantong sa suicide.

Nakaambag din umano ang pandemya sa stress at anxiety na naranasan ng mga bata, partikular na sa implementasyon ng modular at online classes.

Tumaas din umano ang mga kaso ng online sexual abuse at exploitations sa mga bata kung saan karamihan sa mga ito ay naganap sa kanilang tahanan, at mga pamilya at kaanak pa ang may pakana.

Upang matugunan ang problemang ito, inilunsad ng CWC ang “Makabata Helpline.”

Sa pamamagitan ng helpline, pwedeng iulat ng mga bata o saksi sa pang-aabuso sa kanila ang insidente.

Ang mobile numbers ng “Makabata Helpline” ay 0917-8022375, 0960-3779863, o pwede ring magpadala ng mensahe sa kanilang Facebook page.

Nanawagan si Bardillon sa publiko na repetuhin ang karapatan ng mga kabataan “because they are, of course we know that they are your next generation, your future”. RNT/SA