3 sa 6 mangingisdang naiulat na nawawala, nahanap na

3 sa 6 mangingisdang naiulat na nawawala, nahanap na

September 27, 2022 @ 8:46 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tatlo sa anim na mangingisda mula sa Barangay San Roque, bayan ng Mercedes sa lalawigan ng Camarines Norte na naiulat na nawawala noong nakaraang linggo ay natagpuang buhay, sinabi ng Office of Civil Defense sa Bicol (OCD-5) nitong Lunes.

Sinabi ni Gremil Alexis Naz, tagapagsalita ng OCD-5, na lumabas sa ulat ng sitwasyon na natagpuan sila sa Barangay Butawanan sa Siruma, lalawigan ng Camarines Sur.

Ang anim na mangingisda ay nasalubong ng masamang panahon habang nasa dagat at sinabi ng tatlo na sumilong sila sa baryo ngunit walang impormasyon tungkol sa tatlo pa.

Kinilala ni Naz ang mga nawawalang sina Roger Pun-an, 59; Gerome Pun-an, 19; at Efren Lozada Jr., 42.

“Nangisda sila noong Sept. 19 ngunit nabigong bumalik sa kanilang tirahan sa ngayon,” aniya. “We’ll update, as soon as we get an official report from the provincial disaster risk reduction and management office of Camarines Norte,” ani Naz.

Samantala, sinabi ng OCD-5 na may kabuuang 918 pamilya o 3,686 indibidwal mula sa mga lalawigan ng Camarines Norte at Camarines Sur ang naapektuhan ng Super Typhoon Karding noong Linggo.

Ang mga lalawigan ng Albay, Catanduanes, Camarines Norte, at Camarines Sur ay nagsuspinde ng klase noong Lunes dahil sa sama ng panahon. RNT