3 sabungero nasalpok, 1 patay

3 sabungero nasalpok, 1 patay

February 7, 2023 @ 9:51 AM 1 month ago


SAMAR- Hindi na nakarating sa sabungan ang tatlong sabongero na ikinasawi ng isa habang malubhang nasugatan ang dalawa matapos mabangga ang sinasakyan nilang motorsiklo ng Tamaraw FX noong Linggo, Pebrero 5 sa bayan ng Laoang, Northern Samar.

Kinilala ang nasawi na si Anthony Capacio, 34-anyos, habang nilapatan naman ng lunas sa ospital ang dalawang kasama na sina Mark John Capacio, 28-anyos, at Apronio Beconio, 54-anyos, lahat ay residente sa Brgy. EJ Dulay, Laoang City.

Hawak naman ng pulisya ang suspek at driver ng Tamaraw FX Revo na kinilalang si Engr. Herlito Fua Duritan, 65-anyos.

Batay sa report ng Laoang Municipal Police Station, dakong 12:10 PM ng maganap ang insidente sa kahabaan ng Maharlika hi-way na sakop ng Barangay La Perla ng nasabing lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang mga biktima ng motorsiklo na minamaneho ni Anthony patungong Pambujan Cockpit Arena para sana magsabong.

Habang binabaybay ang nasabing kalsada bigla na lamang nag-u-turn si Duritan dahilan para mahagip mabangga nito ang motorsiklo ng mga biktima.

Sa lakas ng pagkabangga tumilapon ang mga biktima sa kalsada at kanal sa gilid ng kalsada .

Nagawa naman isugod sa ospital ang tatlo subalit idineklara na rin patay ng umatending doktor si Anthony sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.

Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, multiple physical injuries and damage to property ang suspek. Mary Anne Sapico