3 sangkot sa droga tiklo sa P.2M shabu sa Malabon

3 sangkot sa droga tiklo sa P.2M shabu sa Malabon

December 12, 2021 @ 10:14 AM 10 months ago


MANILA, Philippines- Tatlong bagong identified drug personalities ang nakuhanan ng mahigit P.2 milyong halaga ng shabu makaraang maaresto ng pulisya sa isinagawang buy-bust operation sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot ang mga nadakip na sina Mark James Sanchez, 21 ng 103 Atis Road, Brgy. Potrero, Jenny Piquiz, 39 ng 515 Macopa Road, Potrero at Marie April Bernardo, 37 ng No. 37 San Rafael St. Brgy. Sipak Navotas City.

Ang mga suspek ay naaresto dakong alas-9 ng gabi sa Macopa Road, Brgy. Potrero matapos bentahan ng P500 halaga ng shabu si P/Cpl. Paulo Laurenz Rivera na umakto bilang poseur-buyer.

Ayon kay Malabon Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) chief P/Lt. Alexander Dela Cruz, isinagawa ang drug operation kontra sa mga suspek kasunod ng isang linggong surveillance at monitoring operation kay Sanchez at sa kanyang mga kasama matapos ang natanggap na tip mula sa kanilang confidential informant hinggil sa illegal drug activities ng mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang nasa 30.8 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P209,440.00 at marked money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura