3 sasakyan inararo sa Malabon; 2 patay, 2 sugatan

3 sasakyan inararo sa Malabon; 2 patay, 2 sugatan

December 6, 2021 @ 2:45 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Dalawang katao ang kumpirmadong namatay habang sugatan naman ang dalawa pa matapos araruhin ng isang Mitsubishi Xpander wagon ang tatlong sasakyan, kabilang ang isang tricycle sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Si Nobelia Esto, 54, ng Gulayan St. Brgy. Catmon, pasahero ng tricycle na minamaneho ni Norberto Pinurla, ay dead on the spot sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan habang si Pinurla ay tumilapon sa tulay at bumulusok sa ilog kung saan narekober kalaunan ang kanyang katawan sa Tullahan River sa C-4.

Ang dalawa pang katao na kinilalang sina Shielo Escamillas, 44 ng 89 Gen. Luna St. Brgy. Concepcion, driver ng Ford Lynx at Ericson Lala, 50 ng18 Paez St. Brgy. Concepcion, pasahero ng Honda City ay napaulat na sugatan at ginagamot sa hindi nabanggit na hospital.

Kinilala naman ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot ang driver ng Mitsubishi Xpander (NPD-8114) na umararo sa mga nasabing sasakyan bilang si Kim Russel Sioco y Santos, 26, ng 28 interior F. Nicolas St, Niugan, Malabon City.

Sa inisyal na report, habang tinatahak ng tricycle na minamaneho ni Pinurla ang kahabaan ng Lambingan Bridge dakong alas-3:35 ng madaling araw nang masakop umano ang kabilang linya ng mabilis ang takbo na Mitsubishi Xpander na patungong Brgy. Catmon at mabangga nito ang tricycle bago inararo ang dalawa pang sasakyan na Ford Lynx at Honda City.

Ang insidente ay nakuhanan ng close circuit television (CCTV) camera na nakakabit sa naturang lugar.

Kasong two counts of homicide through reckless imprudence at multiple damage to properties ang isinampa kontra kay Sioco sa Malabon City Prosecutor’s Office. Boysan Buenaventura