3 sekyu na humarang sa mga pulis na nag-iimbestiga sa nanagasang SUV driver, kinasuhan!

3 sekyu na humarang sa mga pulis na nag-iimbestiga sa nanagasang SUV driver, kinasuhan!

June 8, 2022 @ 6:53 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Kinasuhan na ang tatlong gwardiya sa isang subdivision sa Quezon City matapos na harangin ang mga pulis na mag-iimbestiga sa SUV driver na sangkot sa hit-and-run incident sa Mandaluyong City noong Lunes.

Ayon kay Mandaluyong City Police chief Police Colonel Gauvin Mel Unos, kasong ‘obstruction of justice’ ang isinampa laban sa mga gwardiya kabilang ang security officer.

Dalawang  beses umanong nagtangkang makapasok sa exclusive subdivision sa Ayala Heights, Old Balara ang mga pulis pero hindi sila pinapasok ng mga security guard.

Base sa record, isang Jose Antonio San Vicente ang nagma-may ari ng SUV na sangkot sa insidente pero hindi pa  makumpirma kung ito rin ang nagmamaneho at nanagasa sa security guard.

Nagpapatuloy din ang background check sa may-ari ng sasakyan.

Sa ngayon kasi ay hindi pa masabi ng mga awtoridad kung nasangkot na ang suspek sa dating kaso at kung may koneksyon siya sa mga pulis.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong frustrated murder at abandonment of one’s own victim.

Una na siyang pinadalhan ng show cause order pero bigong makasipot sa pagdinig ng Land Transportation Office (LTO).

Binigyan siya ng final notice ng LTO at kung hindi pa rin makakasipot sa susunod na pagdinig sa Biyernes, June 10 ay posibleng tuluyan nang i-revoke ang lisensya ng SUV driver.

Samantala, ayon sa awtoridad, hanggang ngayon ay wala pang paramdam ang SUV owner at wala pa rin itong ipinapadalang “feelers” taliwas sa naunang napaulat na handa itong sumuko at harapin ang mga kasong isasampa laban sa kanya. RNT/ JCM