3 suspek sa Adiong ambush kinasuhan na

3 suspek sa Adiong ambush kinasuhan na

March 4, 2023 @ 4:17 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Pormal na sinampahan ng kaso ng Lanao del Sur Police ang tatlong suspek at ilang iba pa dahil sa pananambang sa convoy ni Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Jr. na nangyari noong Pebrero 17, 2023, sa Barangay Bato-Bato sa bayan ng Maguing.

Nakaligtas si Governor Adiong sa tangkang pagpatay kasama ang kanyang driver at security escort. Gayunpaman, apat sa kanyang mga tauhan ng seguridad, kabilang ang tatlong opisyal ng pulisya, ay hindi nakaligtas sa pag-atake.

Noong Huwebes, Marso 2, 2023, labing tatlong araw pagkatapos ng pananambang, sinabi ni Lanao del Sur PNP Spokesperson P/Maj. Alvison Mustapha na pormal silang naghain ng raps sa Marawi City Regional Trial Court.

“Meron po tayong tatlong suspek dito na nakilala at iba pang kasama nito. Tatlo po ang kaso na nai-file, una po dito ay four (4) counts of murder, three (3) counts of frustrated murder at tsaka ang pangatlo ay twenty-two (22) counts of attempted murder,” ani PMaj Mustapha.

Ang tatlong suspek na kinilala ng PNP ay kabilang sa lawless armed group na nag-ooperate sa Maguing.

Sinabi ni Mustapha na positibong kinilala ng mga saksi ang tatlong suspek sa pananambang.

Hinihintay ng mga awtoridad ang pagpapalabas ng warrant of arrest mula sa korte. RNT