3 suspek sa Gov Adiong ambush, naaresto na!

3 suspek sa Gov Adiong ambush, naaresto na!

March 11, 2023 @ 2:06 PM 2 weeks ago


ZAMBOANGA CITY – ARESTADO ang tatlong most wanted persons sa probinsyang ito na pangunahing suspek sa pananambang kay Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr., iniulat kahapon.

Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Palawan Salen Macalbo, 34; Nagac Dimatangkil Baratomo, 38; at Amirodin Dimantingkal Mandoc, 29.
Sa report ng Area Police Command-Western Mindanao (APC-WM), nadakip ang mga suspek ng mga operatiba ng APC-WM at APC-Eastern Mindanao bandang 4:30 AM kahapon (Biyernes) sa Barangay Ninoy Aquino, Kalilangan, Bukidnon.

Ayon sa pulisya, si Macalbo ay pinaniniwalaan miyembro ng Gandawali crime group at may standing warrant of arrest para kasong murder at frustrated murder na ipinalabas ng korte sa Marawi City noong February 2019.

Walang inirekomendang piyansa ang korte sa kasong pagpatay habang pinagbabayad ng halagang P200,000.00 bilang piyansa sa kasong frustrated murder case.

Samantalang sina Baratomo at Mandoc ay parehong nahaharap sa kasong illegal possession of explosive.

Nakumpiska sa mga suspek ang M16 rifle, grenade, rifle grenade, at M16 magazine na may 8 bala.

Matatandaan na noong Pebrero 17, 2023, tinambangan ng mga suspek ang convoy ng gobernador saAdiong at Sitio Landslide, Barangay Dilimbayan Maguing, Lanao del Sur province na nagresulta ng pagkamatay ng apat na tauhan ni Adiong at ikinasugat ng isa.

Kasalukuyan nakakulong sa lock-up facility ng Area Police Command-Western Mindanao ang mga suspek para karampatang kaso at disposisyon./Mary Anne Sapico