3 suspek sa pananambang kay Adiong tiklo sa Bukidnon

3 suspek sa pananambang kay Adiong tiklo sa Bukidnon

March 10, 2023 @ 1:13 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inaresto nitong Biyernes ng umaga, Marso 10 ang tatlong suspek na sangkot sa pananambang kay Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr. noong nakaraang buwan.

Ayon kay Police Major Joann Navarro, tagapagsalita ng Police Regional Office 10, ang tatlong suspek ay naaresto sa bisa ng arrest warrant para sa kasong frustrated murder at illegal possession of firearms.

Batay sa ulat ng pulisya, ang mga naaresto ay kinilalang sina Palawan Salem Macalbo, 34-anyos; Nagac Dimatangkil Baratomo, 38; at Amirodin Dimantingkal Mandoc, 29.

Si Macalbo ay inaresto sa bisa ng arrest warrant dahil sa kaso ng pamamaslang noong 2019 habang si Baratomo at Mandoc naman ay inaresto sa paglabag sa firearms law.

“The arrested persons were included as alleged suspects of the recent ambuscade conducted against Governor Adiong of Lanao Del Sur,” saad pa sa ulat.

Nakuha sa mga suspek ang isang Colt M16 rifle, grenade, Colt M16 magazine na kargado ng walong piraso ng bala at rifle grenade.

Nasa kustodiya na ang mga ito ng Kalilangan Municipal Police Station para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.

Matatandaan na noong Pebrero 17 ay tinambangan ang convoy ni Adiong sa Kalilangan, Bukidnon na ikinasawi ng apat nitong kasamahan.

Kinilala ang mga nasawi na sina Police Staff Sergeant Mohammad Jurai Mipanga Adiong, 40; Police Corporal Johanie Lawi Sumandar, 39; Police Corporal Jalil Ampuan Cosain, 40, at drayber na kinilalang si Kobi.

Sugatan naman sina Adiong at dalawa pa sa staff nito.

Ilang araw makalipas ang insidente ay napatay sa operasyon ang isa sa mga suspek dito na nakilala bilang si Otin. RNT/JGC