3 taon gugugulin sa pagpapatatag ng suplay ng asin-DA

3 taon gugugulin sa pagpapatatag ng suplay ng asin-DA

September 1, 2022 @ 11:32 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na maaaring abutin ng dalawa hanggang tatlong taon bago makamit ng bansa ang matatag na suplay ng asin.

Sa isang briefing ng Laging Handa, sinabi ni Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban na inatasan niya ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na tukuyin ang expenditure breakdown ng dating PP100 milyon na alokasyon para sa produksyon ng asin.

“Alamin kung nasaan ‘yung pera para malaman namin kung paano gagastusin, dahil kinakailangan matulungan yung small fisherfolks na nagpapalaki o nagpo-produce ng asin sa buong Pilipinas lalo na sa Oriental at Occidental Mindoro, dito sa Central Luzon, sa Pangasinan, sa Visayas. at sa Mindanao” ayon kay Panganiban.

Kapag na-secure na nila ang datos sa nakalaan na pondo, sinabi ni Panganiban na maipamahagi ng DA ang tulong nito sa mga mangingisda sa mga susunod na buwan.

“Medyo aabutin ng dalawa hanggang tatlong taon bago natin ma-stabilize, kung makukuha ‘yung PHP100 million ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, masisimulan agad natin ngayong second half ng 2022 ang pagdi-distribute ng pera sa ating mga fisherfolk na nagpo-produce ng ating asin” ayon pa dito.

Nauna nang sinabi ng BFAR na mayroong data, bagama’t napapailalim sa verification, na nagpapakita na umaasa ang industriya ng asin ng Pilipinas sa pag-aangkat ng 93 porsyento.

Kaugnay nito iginiit naman ni Panganiban na mayroong hoarding sa supply ng asukal, dahil nakadiskubre ito ng mga supply sa isinasagawa nitong imbestigasyon.

“Nakikita naman natin sa imbestigasyong ginagawa ng Bureau of Customs, SRA (Sugar Regulatory Administration), ng DA, pati ng DTI (Department of Trade and Industry), na maraming asukal ang nakikita sa Quezon City, San Jose del Monte, Pampanga, Pangasinan, Misamis Oriental, sa Bukidnon, at ito ang nagpapatunay na hindi naapektuhan, ‘yung ano, kundi talagang hino-hoard ‘yung ating mga asukal na naka-stock na binili ng mga traders (ito ay nagpapakita na hindi ito artipisyal, ngunit mayroong pag-iimbak ng stock ng asukal, binili ng mga mangangalakal),” dagdag pa nito.

Kapag napatunayan na, sinabi ni Panganiban na kukumpiskahin ng DA ang na-hoard na supply at gagawin itong available sa mga supermarket at maliliit na nagbebenta para ibenta ito sa mas mababang presyo.

Bukod sa supply ng asin at asukal, kasalukuyang pinagsasama-sama ng DA ang mga imbentaryo ng mga puting sibuyas sa buong bansa, upang matukoy kung talagang may kakulangan sa suplay. Santi Celario