3-termer barangay chairman, patay sa riding-in-tandem

3-termer barangay chairman, patay sa riding-in-tandem

June 7, 2022 @ 5:00 PM 3 weeks ago


CABANATUAN CITY, Nueva Ecija – Patay ang isang incumbent barangay kagawad na dating nanilbihan bilang three-term barangay chairman makaraang pagbabarilin ito ng dalawang hindi nakilalang armadong lalaki na sakay ng isang motorsiklo sa kahabaan ng Sampaguita St., Barangay Magsaysay Sur, ng lungsod na ito, noong Lunes ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Brgy. Councilor Ronald “Onak” Castillo, 52-anyos, may-asawa ng Anthurium St., Brgy. Magsaysay Sur, na idineklarang ‘dead-on-arrival’ sa Wesleyan University Hospital.

Ayon sa ulat, alas-7:50 ng gabi, habang nakatayo ang biktima sa tapat ng basketball covered court at barangay hall ay may kausap umano itong dalawang lalaking ka-barangay nito nang hindi magtagal ay may humintong naka-motorsiklong dalawang lalaki.

Mabilis umanong bumunot ng baril ang dalawang suspek at apat na putok umano ng short firearm ang umalingawngaw sa lugar kung saan agad umanong tumumba ang biktima.

Wala umanong nagawa ang dalawang nagulantang at natakot na ka-barangay ng biktima nang tutukan na umano sila ng baril ng isa pang suspek at makitang pagbabarilin ang kausap na biktima, na nagsilbing kapitan sa nabanggit na barangay mula 2007 hanggang 2018.

Hinihinalang mga professional hired killers umano ang dalawang suspek na kapwa umano naka-suot ng puting t-shirt at sakay ng hindi naplakahang motorsiklo, na tumakas patungo umano sa hilagang direksyon.

Dalawang anggulo umano ang tinitignang motibo ngayon ng pulisya kaugnay sa pagkapaslang sa biktima, una ay ang pulitika at ikalawa ay ang pagsasabong ayon sa ulat. Ver Sta. Ana