3 tiklo sa ninakaw na ventilator sa ospital

3 tiklo sa ninakaw na ventilator sa ospital

March 19, 2023 @ 3:49 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang tatlong indibidwal kaugnay sa insidente ng pagnanakaw ng portable ventilator sa isang ospital sa Quezon City.

Kabilang sa mga naaresto rito ay empleyado mismo ng ospital na nakuhanan sa CCTV na tinangay ang ventilator.

Sa impormasyon, nagkakahalaga ito ng P800,000 na natuklasang nawawala makaraang mag-imbentaryo ang ospital at makitang nawawala na ito.

Kaugnay nito, inaresto rin nitong Sabado, Marso 18, ang lalaki na bumili online ng nakaw na ventilator sa halagang P55,000 sa Maynila.

Kinagabihan ay dumating ang kaibigan ng naaresto at nagtangkang suhulan ang pulis na umaresto kung kaya’t hinuli rin ito.

Dahil dito ay mahaharap sa kasong qualified theft at paglabag sa Presidential Decree No. 1612 o Anti-Fencing Law ang mga suspek. RNT/JGC