3 todas sa pamamaril sa Taguig

3 todas sa pamamaril sa Taguig

August 21, 2022 @ 12:50 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Patay ang tatlong katao sa isang insidente ng pamamaril dakong 3:20 madaling araw ng August 21, 2022 sa transient house na nasa Brgy Fort Bonifacio, Taguig City.

Kinilala ang mga biktima na sina Marie Angelica Belina, isang OFW; Mark Ian Desquitado na food delivery rider; at Tashane Joshua Branzuela, na estudyante, na nadala pa sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Taguig City Police, sinabi ng isang witness na nasa loob sila ng transient house nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril mula sa labas ng bahay.

Nang kanilang tignan, natagpuan ang mga katawan ng mga biktimang nakahandusay sa daan.

Kaugnay nito ay mabilis na inatasan ni PCol. Kirby John Brion Kraft, acting District Director, ang mga imbestigador na magsagawa nang mas malalim na imbestigasyon upang matukoy ang motibo ng krimen.

“Hinihingi ko din po ang kooperasyon ng publiko na kung may impormasyon ay huwag mag-atubiling dumulog sa Taguig City Police upang ating maresolba ang nasabing insidente at mapanagot ang nasa likod ng krimeng ito”, sabi ni PCol Kraft.

Patuloy namang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan sa  suspek na tumakas sakay ng van. Dave Baluyot