3 Tsino timbog sa pagbenta sa kababayan sa POGO

3 Tsino timbog sa pagbenta sa kababayan sa POGO

December 24, 2022 @ 10:11 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang tatlong Chinese national sa umano’y pagdukot sa isang babae na kalaunan ay naiulat na ibinenta sa isang kumpanya ng POGO.

Nauna nang isiniwalat ni Senator Grace Poe ang insidente ng human trafficking kung saan ibinenta ang babae sa isang kumpanya ng POGO sa Cavite. Napalaya naman ang biktima matapos na magbayad ang pamilya nito ng P250,000.

Agad na ipinag-utos ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Southern Police District (SPD) ang operasyon laban sa mga suspek batay sa car plate number na ipinakita sa Senado na nagresulta sa pagkaaresto ng tatlong Chinese national sa isang follow-up operation ng Pasay police.

Narekober ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang dalawang baril at isang granada.

“Nanghihikayat sila ng kapwa nila Chinese na nagtatrabaho sa POGO company kaya inaalok nila ito ng malaking halaga para doon lumipat sa kompanya,” ani Police Brigadier General Kirby John Kraft, SPD district director.

“Pero ang totoo ay binebenta nila ito sa POGO company at alam mo naman na nangyari ngayon ang POGO company ng mga Chinese speaking na foreigner na ganoon magtuloy tuloy ang kanilang operasyon,” dagdag pa niya. RNT