3 tulak tumba, mahigit P1M shabu nasamsam sa Nueva Ecija

3 tulak tumba, mahigit P1M shabu nasamsam sa Nueva Ecija

July 11, 2021 @ 4:24 PM 1 year ago


CABANATUAN CITY, Nueva Ecija – Patay ang tatlong hinihinalang tulak ng droga makaraang manlaban umano sa inilatag na drug buy-bust operations sa tatlong lugar noong Sabado ng hapon at gabi.

Ayon kay P/Col. Jaime Santos, Nueva Ecija Police provincial director, aabot sa kabuuang 58.60 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P1,078,400 ang nakumpiska ng pulisya sa tatlong nasawing suspek na sina Tommy Sagun, 48, ng Brgy. San Juan, Aliaga, NE; Richard Enriquez, nasa hustong gulang ng Brgy. Caalibangbangan, Cabanatuan City; at Edward de Belen, nasa hustong gulang ng bayan umano ng Jaen.

 Nabatid sa ulat ng General Tinio Police na alas-9:40 ng gabi nang magsagawa ng operasyon ang sanib-puwersa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at PPDEU-NEPPO sa Barangay Rio Chico, kunsaan nabilhan ng poseur-buyer ang suspek na si de Belen ng 1-sachet ng umano’y shabu na nauwi sa barilan na ikinamatay nito.

 Aabot umano sa 150 gramo ng umano’y shabu ang nasamsam kay de Belen na nagkakahalaga ng P1,020,000. Tumakas umano ang kasabwat ng suspek na sakay ng motorsiklo at hindi na naaresto ng pulisya.

 Sa ulat naman ng Zaragoza Police, alas-7:20 ng gabi, nang kanilang isagawa ang operasyon sa Barangay Concepcion, Zaragoza, NE, laban sa suspek na si Sagun na kumasa sa otoridad at napatay noon din. Nakuha kay Sagun ang 0.54 gramo ng umano’y shabu na may halagang P3,400.

 At sa ulat naman ng Cabanatuan City PNP, alas-5:15 ng hapon nang isagawa nila ang operasyon laban sa suspek na si Enriquez sa Purok 7 ng Barangay Talipapa.

 Nanlaban din umano si Enriquez sa pulisya na humantong sa kanyang kamatayan. Nakuha sa suspek ang umano’y shabu na may timbang na 8.06 gramo na nagkakahalaga ng P55,000. —Ver Sta. Ana