3 umaaktong alkalde sa Paracelis, Mt. Province

3 umaaktong alkalde sa Paracelis, Mt. Province

July 6, 2022 @ 9:05 AM 1 month ago


PARACELIS, MT. PROVINCE-Tatlong politiko ang umaakto at nag-aagawan ngayon sa posisyon ng pagka-alkalde sa bayan ng Paracelis, Mountain Province.

Sinabi ni Dr. Marcos Ayangwa na siya umano ang karapat-dapat na umupong alkalde ng bayan matapos diskwalipikahin ng COMELEC noong April 19, 2022 ang kandidatura ng nanalong Mayor na si Avelino Amangyen.

Napag-alaman na si Amangyen ay pinatawan ng parusang Reclusion Temporal na may kaakibat na accessory penalty na perpetual absolute disqualification o pagbakante sa isang tanggapan o opisina ng pamahalaan dahil sa kinakaharap nitong kasong PD 705 o Illegal Logging Law.

Ngunit sa resulta ng nakaraang halalan ay nanalo pa rin si Amangyen sa pagka-alkalde matapos makakuha ng 9,220 votes laban sa katunggaling si Ayangwa na mayroong 5,185.

Habang isinusulat ang balitang ito ay pinaghahanap na ng mga awtoridad si Amangyen matapos ipag-utos ng korte ang pagdakip sa kanya dahil sa kinakaharap na kaso.

Matatandaang naghain sa 2nd Division ng Comelec Central Office ng COC cancellation ang isang Franklin Talawec laban kay Amangyen at kalauna’y nagbaba ng desisyon na nag kansela ng kanyang kandidatura.

Batay naman sa DILG Order, kailangang kilalaning alkalde ng Paracelis si Vice Mayor elect Djarma Rafael dahil hindi pwede sina Amangyen at Ayangwa.

Dahil dito, naghain ang legal team ni Ayangwa ng Letter of Opposition sa DILG Central Office sa Quezon City para kuwestiyunin ang legal opinion ng DILG CAR na nagkokonsidera sa pag-upo ni Vice Mayor elect Rafael.

Sa ngayon sina Ayangwa at Rafael ang umaaktong alkalde ng Paracelis dahil nagtatago ang sentensyadong si Amangyen kahit ito ang nanalong punong bayan.

Kaugnay nito, naniniwala si Ayangwa na COMELEC ang makakaresolba sa isyung ito dahil ang komisyon ang may mandato sa pagresolba sa legal question sa mga elective officials ng bansa.

Samantala, umaapela ang mamamayan ng bayan ng Paracelis na agarang resolusyon ng isyung pulitikal sa kanilang bayan dahil apektado sila kung sino ang kanilang kikilanin na mayor. Rey Velasco