3 UNANG PANGYAYARI; PAANO SA PILPINAS?

3 UNANG PANGYAYARI; PAANO SA PILPINAS?

December 10, 2022 @ 11:19 AM 2 months ago


MAY tatlong kaso sa ibang bansa na pupwede nating pag-isipan kung gagawin o hindi sa Pilipinas.
Aksyon ang mga ito ng mga gobyerno ng Afghanistan, Iran at Australia.

Sa Afghanistan, nagkaroon ng firing squad sa harap ng maraming tao at sinaksihan din ito ng matataas ng opisyal ng gobyerno mula sa kanilang Korte Suprema, Department of Justice at provincial government.

Hindi pinangalanan ang binitay ngunit inakusahan ito ng pagpatay sa ninakawan niya ng cellphone at bisikleta.

Mismong ang tatay ng biktima ang bumaril sa murderer ng tatlong beses makaraang aprubahan ang unang firing squad ng gobyernong Taliban ni Supreme Leader Alaiqadar Amirul Momineen.

Sa Iran, binitay naman sa lubid si Mohsen Shekari makaraang ideklara itong kaaway ng Diyos sa pagharang sa mga pwersang Basij Resistance Force at paggamit ng machete o palakol laban sa mga ito sa Sattar Khan Street sa Tehran noong Setyembre 25.

Rumeresponde umano ang Basij Resistance Force laban sa mga nagrarali kaugnay ng pagkamatay ni Mahsa Amini, 22, sa kulungan makaraan itong imbestigahan ng ‘morality police’ dahil umano sa maling pagsusuot ng hijab.

May 10 nang hinatulan ng bitay na katulad ni Shekari at maaaring isunod ang mga ito na bitayin din sa lubid.

Sa Australia, hinatulang mabilanggo si Deanna “Violet” Coco ng 15 buwan dahil sa pagharang nito ng 28 minuto ng isang lane ng Sydney Harbour Bridge sa kalagitnaan ng rush hour.

Hinarang ni Coco ang tulay para lang magprotesta ukol sa climate change at nilabag nito ang batas laban sa mga raliyista na gumagamit ng mga kalsada, tulay at riles ng mga tren.

Sa Afghanistan, unang kaso ng pagbitay sa firing squad ang naganap sa ilalim ng bagong Taliban government; sa Iran, unang pagbitay naman sa mga raliyista; at sa Australia, unang pagpataw ng mabigat na parusa sa raliyista.

Esep-Esep naman tayo sa Pinas, mga brad.