3 wanted sa frustrated murder nabitag sa Navotas

3 wanted sa frustrated murder nabitag sa Navotas

August 20, 2022 @ 12:30 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Swak sa kalaboso ang tatlong lalaki na wanted sa kasong frustrated murder, kabilang ang top 1 most wanted na miyembro ng “Legaspi Drug Group” matapos maaresto sa magkahiwalay na operation ng pulisya sa Navotas City.

Ayon kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, dakong ala-1:05 ng hapon nang maaresto ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) at Sub-Station 3 sa joint manhunt operation si Rolly Noquilla, 24, batilyo, sa kanyang bahay sa 160, Baron St., (Old fishport), Brgy. NBBN, Navotas City.

Nauna rito, nadakip din ng mga tauhan ng WSS at SS3 sa joint manhunt operation si John Angelo Donato, 23, stock clerk, malapit sa kanyang bahay Baron St., (Old fishport), Brgy. NBBN, Navotas City dakong alas-11:15 ng umaga.

Ang dalawang akusado ay kapwa inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Carlos M. Flores ng Regional Trial Court (RTC) Branch 73, Malabon City, para sa parehong kasong Frustrated Murder.

Samantala, sinilbihan naman ng pulisya si Roberto Huelba alyas “Kevin Huelba/Mucho”, 25, top 1 MWP at miyembro ng “Legaspi Drug Group” ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Ronald Que Torrijos ng Regional Trial Court (RTC) Branch 288, Navotas City para sa kasong Frustrated Murder na may inirekomendang piyansa na P200,000.

Si Huelba ay naaresto ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLT Luis Rufo Jr, sa buy-bust operation sa Judge Roldan, Brgy. San Roque dakong alas-12:20 ng Biyernes ng madaling araw at nakuha sa kanya ang higit P631,000 halaga ng illegal na droga, baril at granada. Boysan Buenaventura