3 wanted sa Pasay, timbog

3 wanted sa Pasay, timbog

November 23, 2022 @ 9:16 AM 4 days ago


MANILA, Philippines – Arestado ang tatlong wanted persons ng mga miyembro ng Pasay City Police Warrant and Subpoena Section (WSS) sa pagsasagawa ng magkakahiwalay na operasyon nitong Nobyembre 21.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Byron Tabernilla ang mga nadakip na suspects na sina Benedick Tacderas, 18; Jomari Tupan, 27; at Joel Javier, 31, pawang mga residente ng Pasay City.

Sinabi ni Tabernilla na unang nadakip si Tacderas, na tinaguriang No. 4 wanted person dahil sa kasong panggagahasa ng isang 14-anyos na dalagita noong Disyembre 31 ng nakaraang taon, sa Leverisa Street dakong alas 3:15 ng hapon.

Ang pagkakadakip kay Tacderas ay naisagawa sa bisa ng warrant of arrest na na inisyu ni Judge Jeilan Sampao Hassiman ng Pasay City Family Court Branch 11 nitong Oktubre 6, 2022 dahil sa two counts ng rape na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Ayon kay Tabernilla, nadakip din ang No.8 wanted person na si Tupan na may kasong carnapping at inaresto noong Setyembre 24 sa tulong ng SPD Highway Patrol Team dakong alas 3:35 ng hapon sa kanto ng 17th at 12th Streets, Villamor Airbase, Pasay City.

Si Tupan ay mayroon namang warrant of arrest na inisyu nitong nakaraang Oktubre 18 ni Pasay Regional Trial Court (RTC) Judge Marjury Almoera Madrid-Songandan ng Branch 117 dahil sa kasong paglabag ng Republic Act 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016) na may kaakibat na rekomendasyon ng piyansa sa halagang P300,000.

Inaresto naman si Javier na No. 9 sa listahan ng wanted person na may kaso namang paglabag sa RA 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act) dakong alas 4:20 ng hapon sa kanto ng Roxas Boulevard at Hernandez St., Pasay City dahil din sab isa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Hassiman nitong Oktubre 6.

Nagpasalamat din si Tabernilla sa publiko sa kanilang ipinagkaloob na impormasyon na nagdulot ng pagkakaaresto sa mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police. James I. Catapusan