3 watchers ng LRB pinagbabaril, 1 todas

3 watchers ng LRB pinagbabaril, 1 todas

March 18, 2022 @ 5:45 PM 3 months ago


MANILA, Philippines- Patay ang isa sa tatlong watchers ng Low Rise Building (LRB) compound matapos silang pagbabarilin ng hindi kilalang lalaki kagabi sa lungsod ng Quezon.

Kinilala ang namatay na si Anabelle Zacarias Espinosa, 43-anyos, may asawa, volunteer watcher ng LRB compound, tubong Marinduque, residente ng No. 5310 LRB Compound, Joseph St., Brgy. Holy Spirit, Q.C.

Nanatili naman nasa ospital at inoobserbahan ang mga biktimang sina Seferino Laxaman, 71, purok lider, at Merlita Versoza Cabigas, 56, kapwa naninirahan sa nasabing compound.

Base sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-9:45 ng gabi nitong Huwebes, nang maganap ang insidente sa gate ng LRB Compound, sa nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ni PCpl Angel T Pascasio III ng CIDU, abala umano ang mga biktima sa kanilang duty bilang mga bantay sa main entrance ng LRB nang sumulpot ang isang lalaki na armado ng ‘di pa batid na kalibre ng baril.

Sisitahin pa lamang ng mga bitikma ang suspek na may dalang baril pero bigla na lamang sila pinagbabaril saka mabilis na tumakas sakay ng kanyang motorsiklo na hindi nagawang maplakahan.

Kapwa sinugod ang tatlo sa FEU-NRMF Medical Center subalit idineklarang dead-on-arrival si Espinosa bandang alas-10:23 ng gabi, ni Dr. Gina Roxas, habang isasailalim naman sa surgical operation sina Laxamana at Cabigas bunsod na tinamong tama ng bala ng baril sa kanilang katawan.

Patuloy na nagsasagawa ng masusing pagsisiyasat ang kapulisan kung anong tunay na motibo sa naganap na pamamaril sa mga biktima upang makilala ang nakatakas na nag-iisang gunman. Jan Sinocruz