30% ng nagka-COVID-19 nagkakaproblema sa utak

30% ng nagka-COVID-19 nagkakaproblema sa utak

April 8, 2021 @ 7:37 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Sinabi ni Neurology professor Masud Husain na 30 porsyento ng tinamaan ng coronavirus disease o COVID-19 ang nagkakaroon ng problema sa utak.

Sa interview ng BBC, sinabi ni Husain na natagpuan umano ito sa pag-aaral sa 80 milyong nagkasakit sa United States, kasama na ang mga tinamaan ng g COVID-19.

Kabilang umano sa problema sa utak ang stroke, dementia at depression at iba pang sikolohikal na problema.

Sinasabing may stroke ang may atake sa utak na kaiba sa atake sa puso habang karaniwang problema sa memorya ang dementia at sobrang kalungkutan o kawalang halaga sa buhay ang depression.

Wala pa naman umanong ebidensya na direktang gawa ng virus ang stroke subalit nagaganap umano ang pagbabara ng ugat o blood clot sa utak dala ng virus na nauuwi sa stroke.

May mga neuron din umanong sinisira mismo ng virus na nakasisira mismo sa utak.

Tinatawag na neuron ang mga celula utak  na naghahatid ng impormasyon sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ang mga problemang sikolohikal gaya ng pag-aalala, madaling pagkairita at depression ay hindi lang nagmumula sa stress sa pandemya kundi bunga rin umano ng atake ng virus. Fred Cabalbag


  •  
  •  
  •