30% ng nasamsam na droga, nire-reward sa tipster ng PDEA

30% ng nasamsam na droga, nire-reward sa tipster ng PDEA

February 23, 2023 @ 12:33 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Isang motu proprio investigation ang isasagawa ng House Committee on Dangerous Drugs kaugnay sa nauna nang naisiwalat na pagkakaroon ng 30 percent na parte ng mga impormante sa nakukumpiskang illegal drugs sa bawat matagumpay na operasyon sa loob ng Philippine Drugs and Enforcement Agency (PDEA).

Ang nasabing 30% ay sinasabing bayad o kapalit ng impormasyon na ibinigay ng impormante.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs Committee, nakababahala ang nabunyag na sistema na umiiral sa loob ng PDEA kaya naman iimbestigahan na ito ng komite.

Matatandaan na mismong si PDEA Director General Virgilio Moro Lazo ang nagbunyag ng ganitong kalakaran sa loob ng PDEA na kanya lamang nadiskubre nang manungkulan ito noong Nobyembre.

“There were agents offering to give us. Ang term, bibigyan kami ng trabaho. So, I personally sat down with some of them. Eh ang sistema, I don’t have to spend anything. They will do all the work but they are asking 30 percent of the actual seizures as their payment,” nauna nang binunyag ni Lazo sa isang briefing sa Kamara.

Nilinaw ni Lazo na hindi niya pinayagan ang ganitong kalakaran at ang dapat na pairalin na sistema ay bigyan ng monetary reward ang tipster at hindi illegal drugs na ibabalik o ire-recycle lamang sa merkado para ibenta.

“Ito, napaka-serious na allegation. Hindi matapos-tapos ‘yung recycling it’s because the assets who give information to arrest drug lords and sellers are being rewarded not with monetary value, but of items that are seized and apprehended… So, there’s really a need to investigate this said issue,” pagtatapos pa ni Barbers. Gail Mendoza