30% ng Pinoy gumanda buhay – SWS

30% ng Pinoy gumanda buhay – SWS

December 4, 2022 @ 8:39 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tatlumpung porsiyento ng mga Filipino ang nagsabing gumanda ang kanilang buhay ngayong taon kung ikukumpara noong nakaraang taon.

Ito ang lumabas sa pag-aaral ng Social Weather Station (SWS) samantala 29% naman ang nagsabi na sumama pa ang lagay ng kanilang pamumuhay batay sa SWS survey na ikinasa mula Setyembre 29 hanggang Nobyembre 2.

Dagdag pa, 41% naman ang nagsabi na walang nagbago o pareho lamang ang kanilang pamumuhay noong nakaraang taon at ngayong 2022.

Nagresulta ito sa net gainers score ng zero o tinatawag ng SWS bilang “fair”, o mula -9 hanggang zero.

Ang nasabing bilang ay bahagyang bumuti mula sa fair -2 na net gainer score noong Hunyo at Abril 2022.

Sa kabila nito, 18 puntos na mas mababa ito kumpara sa high +18 net gauber score noong Disyembre 2019, o bago mag-pandemya.

Kung ikukumpara noong Hunyo 2022, tumaas mula high hanggang excellent ang net gainers score sa mga college graduates ng 18 puntos o mula +2 hanggang +20.

Nanatili namang “high” ito sa junior high school graduates ng 2 puntos mula +3 na naging +5 samantala bumaba naman mula fair to mediocre sa mga elementary graduates o mas mababa ng 5 puntos mula -7 hanggang -12.

Dagdag pa, tumaas mula mediocre to fair ang sitwasyon ng pamumuhay para sa mga non-elementary graduates, o mas mataas ng 4 na puntos mula -12 sa -8.

Ikinasa ang pag-aaral sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 adults sa buong bansa, 300 respondents mula Metro Manila, Visayas at Mindanao samantala 600 respondents sa Balance Luzon.

“The sampling error margins are ±2.5% for national percentages, ±5.7% each for Metro Manila, the Visayas, and Mindanao, and ±4.0% for Balance Luzon,” ayon sa SWS. RNT/JGC