30% working capacity ipatutupad ng Manila LGU sa mga tanggapan

30% working capacity ipatutupad ng Manila LGU sa mga tanggapan

March 15, 2021 @ 6:44 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Simula ngayong araw ay nasa 30% lamang ng mga empleyado ang pisikal na papasok sa kani-kanilang opisina sa lahat ng kagawaran, departamento at tanggapan ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila base na rin sa kautusan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kahapon.

Inihayag ni Domagoso ang kanyang kautusan makaraang magsagawa ng biglaang pagpupulong kahapon kasama sina Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at mga pangunahing opisyal ng pamahalaang lungsod upang talakayin ang sitwasyon ng COVID-19 sa lungsod.

Batay sa datos ng Manila Health Department, pumalo na sa 1,549 aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Maynila kung saan nasa 28,451 naman ang kabuuang naitalang nakarekober sa nasabing sakit habang nakapagtala ng kabuuang bilang na 824 ang namatay dito.

“Babalik tayo sa pagbabawas ng mga tao sa city hall para precautionary measure,” ani Domagoso.

“Babalik tayo and I believe in you na kahit konti lang tayo, makakapag function tayo efficiently,” dagdag pa ng Alkalde.

Ipatutupad ang 30% working capacity sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaang lungsod maliban lamang sa mga tanggapan ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office, Department of Public Services, Department of Public Service, Manila Traffic and Parking Bureau, Manila Health Department, Manila Department of Social Welfare, gayundin sa anim na pampublikong ospital ng lungsod.

Pinakansela din ni Domagoso kay Manila Police District Chief P / BGen Leo Francisco ang lahat ng “leave” ng kanyang mga kapulisan, maliban sa kanilang “medical leaves”, upang matugunan ang sitwasyon ng COVID-19 sa lungsod. Samantala, magsasagawa naman ng pagpapatrulya ang mga tauhan ng MPD-SWAT sa buong lungsod upang mapanatili ang “peace and order” dito.

Inatasan din ng Alkalde si Bureau of Permits Director Levi Facundo na magsagawa ng inspeksyon sa lahat ng negosyo sa lungsod kung napapanatili ng mga ito ang pagpapatupad ng health protocols.

Inatasan din niya ang Department of Engineering at Public Works na tiyakin na ang lahat ng mga quarantine facility sa lungsod ay nakabukas at nag-ooperate.

Personal din umanong magsasagawa ng inspeksyon si Domagoso sa lahat ng barangay sa lungsod at hindi aniya ito mag-atubiling tanggalin ang isang opisyal dahil sa kapabayaan.

Aniya, ang lahat ng mga sasakyan ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office ay gagamitin din upang ipatupad ang mga health protocol sa lungsod. mahigpit din aniyang ipatupad ang “one entry, one exit policy” sa lahat ng pamilihan upang mapigilan ang pagkalat pa lalo ng COVID-19.   JAY Reyes