300% pagtaas sa COVID cases naitala sa Calabarzon

300% pagtaas sa COVID cases naitala sa Calabarzon

July 16, 2022 @ 2:15 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Naitala ng rehiyon ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) noong Biyernes, Hulyo 15, ang halos 300 porsyentong pagtaas sa kasalukuyang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 mula noong simula ng buwan.

Hanggang alas 3 ng hapon ng Biyernes, iniulat ng Health Education and Promotion Unit ng DOH–Calabarzon na ang kabuuang bilang ng kasalukuyang aktibong kaso ng COVID-19 sa rehiyon ay tumalon sa 2,122 na 733 lamang noong Hulyo 1.

Nanguna ang Cavite sa listahan na may kasalukuyang 732 aktibong kaso na sinundan ng Batangas na may 554; Laguna,462 at 310 sa Rizal

Ang Quezon province, kasama ang Lucena City, ay mayroon lamang 64 aktibong kaso ng COVID-19 sa huling ulat ng DOH-Calabarzon dahil sa maagang arawang update.

Ang regional health authorities ng rehiyon ay hindi nagbigay ng impormasyon sa mga variant ng COVID-19 ng kasalukuyang aktibong mga kaso sa rehiyon.

Ang Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases ay hindi pa naglalabas ng updated status ng COVID-19 alert level system sa buong bansa.

Bago bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte, inanunsyo ang latest update kung saan inilagay ng IATF ang Batangas, Cavite, Laguna at Rizal sa ilalim ng alert level 1, ang pinaka maluwag sa five-tier alert status hanggang Hulyo 15.

Inilagay din ng task force ang Lucena City, na nauuri bilang isang highly urbanized city sa Quezon, at 14 na iba pang munisipalidad sa lalawigan sa ilalim ng alert level 1.

Ang natitirang 26 na lokalidad ng Quezon ay mananatiling nasa alert level 2.

Samantala, hindi bababa sa 19 na munisipalidad sa Quezon ang nakapagtala ng mga aktibong kaso ng COVID-19 noong Biyernes, na nagpapakita ng patuloy na pagtaas ng mga impeksyon sa coronavirus sa lalawigan.

Ang pinakahuling datos mula sa Integrated Provincial Health Office (IPHO) ay nagpakita na ang kasalukuyang 83 aktibong COVID-19 na impeksyon sa lalawigan ay naitala sa Sariaya (18 kaso), Tiaong (11), Canadelaria (8), Tayabas City (8), Lucena City (7), Lucban (5), Padre Burgos (5), Calauag (4), Pagbilao (3), Atimonan (3), Dolores (2), Guinayangan (2).

Ang mga bayan ng Polilio, Real, Sampaloc, Quezon, Gumaca, Agdangan at Macalelon ay may tig-isang aktibong kaso ng COVID-19.

Noong Hunyo 3, tanging ang Lucena, ang kabisera ng Quezon, ang may aktibong kaso ng COVID-19 na may dalawang naitalang residenteng nahawa noon.

Noong Biyernes, nagtala ang IPHO ng 21 bagong impeksyon sa COVID-19, ang pinakamataas na solong araw na tally mula noong Marso.

Samantala, nanatili namang ‘status quo’ ang kasalukuyang COVID-19 Alert Level sa National Capital Region (NCR) at iba pang bahagi ng bansa simula ngayong July 16 , batay na rin sa anunsyo ng Press Secretary, ayon sa DOH. Jocelyn Tabangcura-Domenden