300 P’que stude binigyang-trabaho sa munisipyo

300 P’que stude binigyang-trabaho sa munisipyo

July 26, 2022 @ 2:30 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Parañaque nitong (Hulyo 25) ang Special Program for Employment of Students (SPES) na naging benepisyaryo ang 300 estudyante sa lungsod.

Sinabi ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na ang paglulunsad ng SPES na kanyang inihayag sa regular na virtual flag ceremony na ginanap sa Parañaque City Hall quadrangle ay nilahukan ng 300 estudyanteng naging benepisyaryo ng programa na magdadaan muna sa facets ng public service na maitatalaga sa iba’t-ibang tanggapan sa city hall.

Ayon kay Olivarez, ang bawat benepisyaryong estudyante ay makatatanggap ng P570 allowance kada araw sa loob ng 30 araw o may kabuuang P17,100 sa loob ng isang buwan na makatutulong sa kanilang pagkakagastusan sa darating na pasukan.

Ang paglulunsad ng SPES ay ginanap sa San Antonio gym na dinaluhan ng 150 estudyante na bumubuo ng unang batch ng benepisyaryo na nakapagsimula nang magtrabaho mula Hulyo 25 hanggang Setyembre 5.

Sinabi ni Olivarez na ang ikalawang batch ng mga estudyante ay magsisimulang magtrabaho sa Agosto 1 na magtatagal ng hanggang Setyembre 12.

Paliwanag ni Olivarez na sa kabuuang P570 na tinatanggap ng bawat benepisyaryo ng SPES sa kada araw, ang halagang P342 dito ay manggagaling sa lokal na pamahalaan habang ang natitirang P228 ay manggagaling naman sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Idinagdag pa ni Olivarez na ang SPES ay isang taunang programa ng lokal na pamahalaan na magbibigay ng oportunidad sa mga estudyante na makapagtrabaho at kumita nitong bakasyon na magagamit sa kanilang enrollment sa darating na pasukan. James I. Catapusan