300 ranking official pinagbibitiw ni Abalos sa iligal na droga

300 ranking official pinagbibitiw ni Abalos sa iligal na droga

January 5, 2023 @ 9:41 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Aabot sa 300 opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang sangkot sa illegal drug trade, ayon sa pagbubunyag ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Matatandaang ipinanawagan ni Interior Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. sa mga koronel at heneral na dawit sa iligal na droga na magbitiw na sa pwesto para tuluyang malinis ang kanilang hanay.

Kahit na hindi direktang pinangalanan ni Abalos ang mga ito, sinabi niya na nakapag-impluwensya sila sa ginagawang kampanya sa iligal na droga ng gobyerno pero nakatakdang suriin ang kanilang “kwestyonableng integridad” bilang mga alagad ng batas.

“It’s hard to fight in a war where your ally will shoot you in the back. We need to cleanse our ranks. The people will trust us even more if we are honorable,” ani Abalos sa ginawang press conference.

Sabi pa ni Abalos na sa pagbibitiw sa pwesto ng mga tiwaling opisyal ay babalik umano ang kumpyansa ng publiko sa kapulisan.

Sinabi pa ng Interior chief na susuriin ng screening committee ang mga opisyal na ito at sila ay ibabalik sakaling mapatunayang hindi sila nagkasala, depende sa pagpapasya ng kanilang commander in chief o ng pinuno ng estado.

Samantala, ang mga opisyal na ito ay maaari pa ring magpatuloy sa kani-kanilang tungkulin hanggang sa ang kanilang courtesy resignation ay kinikilala ng komite.

Inilarawan din ni Abalos ang courtesy call bilang isang “shortcut” para tugunan ang umano’y pagkakasangkot ng mga pulis habang idiniin niya ang mahabang proseso ng pagbibigay sanction sa mga maling pulis.

Aniya, walang dapat ikatakot ang mga ranking official kung talagang inosente sila. RNT