300 solons OKs sa Concon

300 solons OKs sa Concon

March 6, 2023 @ 7:04 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – May 300 kongresista ang nakatakdang lumagda bilang pagpabor sa resolusyon na magpapatawag ng Constitutional Convention (CONCON).

Ang nasabing 300 mambabatas ay nagpahayag ng kanilang intensiyon na maging co-authors ng resolusyon na magpapatawag ng CONCON bilang paraan sa pag-amyenda sa Saligang Batas.

Ito ang kinumpirma ni House Majority Leader Manuel Jose Dalipe sa ginanap na majority caucus bago magsimula ang sesyon ngayong hapon, Marso 6.

Kung pagbabasehan ang bilang, sinabi ni Dalipe, 93% ng kabuuang miyembro ng Kamara ay may solidong suporta sa panukalang ConCon.

Ang caucus ay dinaluhan nina House Speaker Martin Romualdez, House Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo kabilang ang mga lider ng Kamara at chairmen ng ibat-ibang komite.

Ayon kay Dalipe, ipinatawag ang caucus para malaman ang posisyon ng nakararaming mambabatas at kung maipapasa ang panukala bago ang Easter break ng Kongreso.

Muli namang tiniyak ni Speaker Romualdez na limitado lamang sa economic provisions ang pag-amyenda sa ating Saligang Batas para makatulong sa paghikayat ng mas maraming foreign investments.

Una rito, inindorso na ng House Committee on Constitutional Amendments ang House Resolution no. 6 matapos ang mga public consultation at hearing sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Aprubado din ng komite ang paghalal ng mga delegado ng ConCon na isasabay sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre 30, 2023. Meliza Maluntag