307 armas, winasak ng AFP

307 armas, winasak ng AFP

December 12, 2022 @ 9:48 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sinira ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang 307 na baril na kanilang mga nasamsam sa iba’t ibang operasyon laban sa mga teroristang grupo sa Central Mindanao noong Biyernes.

Pinangunahan ni Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro, AFP Chief of Staff, ang ceremonial destruction ng mga armas sa kampo ng 6th Infantry Division (6ID) sa Camp Siongco, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Ang mga sinirang armas na naharang, nasamsam, o nai-turn over sa iba’t ibang yunit sa ilalim ng Joint Task Force (JTF) Central sa kanilang mga operasyon ay mula noong Enero at sinundan rin ito ng pagsunog ng mga baril at mga bahagi nito gaya ng metal at mga scrap.

Sa tradisyunal na “Talk to the Troops” sinabi ni Bacarro na ang pagsira sa mga armas ay bilang pagpapakita na seryoso ang gobyerno sa pagtigil sa salot ng terorismo at insurhensya.

“Sa pag-demilitarize natin sa mga baril na ito, nag-aambag tayo sa pagkamit ng isang mapayapang komunidad habang nilalayon natin ang pagpapabuti at pag-unlad ng ekonomiya,” dagdag pa ni Bacarro.

Naglibot na rin si Bacarro sa mga kampo ng militar sa buong bansa para palakasin ang moral ng mga sundalo lalo na ang mga naka-duty sa panahon ng Kapaskuhan.

Samantala, pinasalamatan naman ni Maj. Gen. Roy Galido, commander ng 6ID at JTF Central, ang pamunuan ng AFP sa pagsuporta sa kanilang peace Initiatives sa rehiyon. Mary Anne Sapico