31.3M doses ng COVID vax nasayang – Cayetano

31.3M doses ng COVID vax nasayang – Cayetano

November 18, 2022 @ 8:18 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Pia Cayetano na aabot sa 31.3 milyon na doses ng COVID-19 vaccine sa bansa ang nasasayang lang.

Ito ang sinabi niya kasabay ng deliberasyon ng plenaryo ng Senado kaugnay ng proposed 2023 budget ng Department of Health nitong Huwebes, Nobyembre 17.

Ayon kay Cayetano na siyang sponsor ng DOH budget, ang nasabing bilang ng mga nasayang na bakuna ay bahagi ng 250.8 milyon doses na natanggap ng pamahalaan mula pa noong nagsimula ang pagbabakuna sa mga mamamayan kontra COVID-19.

Sa kabila nito, tanging 171.2 milyon doses lamang ang naipamahagi.

Dahil dito ay umabot sa P15.6 bilyon ang halaga ng nasayang na 31.3 milyon na doses ng bakuna.

Paglilinaw naman ni Cayetano, pagtaya lamang ang halaga na kanyang sinabi kung ang basehan ay P500 na presyo kada vaccine doses.

“I have to emphasize ‘estimated’ because even the DOH does not know the cost because this was procured through an NDA (non-disclosure agreement). So based on an estimate of P500 per dose, it is…the cost is P15.6 billion,” ani Cayetano.

Aniya, ang nasayang ay katumbas ng 12% ng kabuuang COVID-19 vaccine na natanggap ng pamahalaan na pasok pa rin sa indicative wastage rate ng World Health Organization (WHO).

Tanong naman ni Deputy Minority Leader Risa Hontiveros, kung binago na ba ng WHO ang indicative wastage rate sa 10%.

“I don’t think that it’s meant to be an excuse but it’s just showing the trends and the realities,” tugon ni Cayetano.

Nanghihinayang naman si Hontiveros sa mga nasayang na bakuna na mula sa 8.42% noong Agosto ay tumaas sa 12% ngayong buwan.

“Nakakalungkot lang na sa tatlong buwang pagitang yon, tumaas pa sa 12 percent kahit pasok parin sa 25% ceiling ng WHO…Nadagdagan pa ng 11 milyong doses na nasayang pa three months later…nadagdagan pa ng mga P5.3 billion in estimated wastage cost,” aniya.

“Actually po hindi tumaas ang wastage natin during the period that her honor mentioned. What happened was they did a complete inventory at tsaka nila natuklasan na nandoon sa kadulu-duluhan na mga warehouse because 7,000 islands nga naman tayo, e meron pa pala doon. So what happened was, we now have a more accurate inventory,” tugon naman ni Cayetano. RNT/JGC