31 Pinoy na biktima ng human trafficking, nasa Myanmar pa – Hontiveros

31 Pinoy na biktima ng human trafficking, nasa Myanmar pa – Hontiveros

November 28, 2022 @ 11:52 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Hinihinalang may natitirang pang 31 Filipino na pawang biktima ng human trafficking ang kasalukuyang nagdudusa sa Myanmar na puwersahang pinalahok sa cryptocurrency investment scam, ayon kay Senador Risa Hontiveros.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros, ibinalita ng isa sa 12 biktima na nasagip nitong nakarang mula sa sindikato ng human trafficking ng nakabase sa China at may operasyon sa Myanmar, mayroon pang 31 Filipino ang kailangan pang sagipin.

“Ang estimate nila Rita [victim], 31 pa na mga Pilipino ang nandoon pa at kailangang ma-rescue, tulad nilang 12,” ayon kay Hontiveros sa pahayag.

Ibinulgar ni Hontiveros nitong nakaraang linggo na mayroon mga Filipino ang kinakalap sa pekeng job ads at puwersadong lumahok sa cryptocurrency investment scams.

Aniya, pinangakuan ang mga biktima na magtatrabaho sa call center bilang customer service representatives o data encoder pero sa halip, kinidnap sila at puwersahang pinagbebenta ng scam investments sa dayuhan.

Sinabi pa ni Hontiveros na nagpaplano ang Chinese mafia na magbuo ng Filipino scammers sa Myanmar.

Inihayag ni Hontiveros na kumikilos ang Department of Foreign Affairs at Department of Labor and Employment upang sagipin ang mga Filipino.

“Authorities are now tracking down the alleged recruiter of the 12 rescued Filipinos. The alleged recruiter is a Filipino who goes by the name “Len,” aniya. Ernie Reyes