3,127 bagong kaso ng COVID naitala sa isang linggo

3,127 bagong kaso ng COVID naitala sa isang linggo

January 9, 2023 @ 7:43 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Iniulat ng Department of Health (DOH) na mula Enero 2 hanggang 8 na 3,127 na bagong kaso ang naitala sa bansa.

Ayon pa sa Kagawaran, ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 447, mas mababa ng 9 percent kung ikukumpara sa mga kaso noong Disyembre 26 hanggang Enero 1.

Pito sa mga bagong kaso ang may malubha at kritikal na karamdaman.

Mayroon namang naitalang 79 na pumanaw kung saan 17 ay naganap noong Disyembre 26 hanggang Enero 8.

Noong ika-8 ng Enero 2023, mayroong 507 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19.

Sa 2,379 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 431(18.1%) ang okupado.

Samantala, 4,185(21.6%) ng 19,373 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit.

Higit sa 73 milyong indibidwal o 94.48% ng ating target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 21 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

Sa kabilang banda, 6.9 milyong senior citizens o 79.46% ng ating target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series. Jocelyn Tabangcura-Domenden