32 patay sa delubyong baha sa Pasko

32 patay sa delubyong baha sa Pasko

December 29, 2022 @ 7:30 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Tumaas na sa 32 indibidwal ang naiulat na nasawi sa nagyaring pagbaha noong Pasko, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes.

Dagdag pa ng NDRRMC sa pinakahuling ulat nito na pito sa mga namatay ay na-verify na, at ang mga ito ay mula sa Eastern Visayas (3), Zamboanga Peninsula (3), at Caraga (1).

Labing-isa ang nasugatan habang 24 ang nananatiling nawawala.

Sinabi ng mga disaster responce officials na 124,853 pamilya, o 486,485 katao, ang naapektuhan. Sa mga ito, 12,264 pamilya, o 56,110 residente, ang nananatili sa mga evacuation center.

May kabuuang 4,068 bahay ang nasira, karamihan sa mga ito ay nasa Northern Mindanao.

Ang pinsala sa imprastraktura at agrikultura sa ngayon ay nakatala sa ₱51.55 milyon at ₱206.49 milyon, ayon sa pagkakabanggit. RNT