3,200 pulis-Maynila ipapakalat sa Chinese New Year

3,200 pulis-Maynila ipapakalat sa Chinese New Year

January 18, 2023 @ 6:30 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Magpapakalat ng 3,200 na mga tauhan ng Manila Police District (MPD) para magbantay sa seguridad sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa Chinatown District sa Maynila.

Ngayong hapon, Enero 18, isinagawa ang send-off ceremony sa Plaza San Lorenzo Ruiz, Binondo, Manila.

Maliban sa seremonya ay nagsagawa rin ng showdown inspection at mastering ng equipment na gagamitin para sa nasabing aktibidad sa Enero 21 hanggang 22.

Tiniyak naman ni MPD PBrig/General Andre Dizon na mahigpit ang pagbabantay ng mga kapulisan sa buong Binondo area tulad din ng mga ginawang pagbabantay sa katatapos lamang na kapistahan ng Quiapo at Sto. Nino noong nakaraang mga linggo.

Layunin ng mahigpit na seguridad na protektahan ang pagdiriwang ng Chinese New Year upang matiyak ang kaligtasan ng mga dadalo sa naturang selebrasyon mula sa ibat-ibang lugar.

Bagama’t may ilang mga pagbabago dahil pa rin sa pandemya dulot ng COVID-19, siniguro ni Dizon na mahigpit pa ring ipapatupad ang health protocols sa lugar. Jocelyn Tabangcura-Domenden