33 barangay sa N. Cotabato, inatake ng ASF

33 barangay sa N. Cotabato, inatake ng ASF

January 28, 2022 @ 8:19 AM 8 months ago


COTABATO CITY — Inatake ng African swine fever (ASF) ang 33 barangay sa tatlong bayan sa f North Cotabato, ayon sa mga opisyal.

Ang mga magkakatabing bayan na nasapul ng ASF ay ang Kabacan, Matalam, at M’lang.

Sa bayan ng Kabacan nasa walong barangay ang naapektuhan ng virus.

Sinabi ni Kabacan Mayor Herlo Guzman na base sa ulat ng municipal agriculture office (MAO), na nasa 68 magbababoy ang nawalan na ng 500 alaga dahil sa ASF infection.

“The total number of hogs depopulated by MAO was 513 and still counting,” ani Guzman sa isang radio interview.

Dagdag pa ng alkalde na may anim pang barangay ang hindi pa dinadapuan ng ASF pero posible ang impeksyon.

Nakikiusap naman si Guzman sa mga magbababoy na ipasuri ang kanilang alaga at siniguro ang mga ito na makakakuha ng ayuda mula sa Department of Agriculture.

Kabilang sa mga apektadong barangay sa Kabacan ang Dagupan, Malamote, Bangilan, Upper and Lower Paatan, Malanduage, Katidtuan at Osias.

Sa M’lang naman, aabot sa 19 na barangay ang sapul ng ASF.

Habang anim na barangay ang red zone sa Matalam bunsod ng pagputakte ng ASF.

Ang Kabacan, Matalam and M’lang ay kilala bilang hog-producing towns sa North Cotabato. RNT