332 APLIKANTE NA HIRED-ON-THE-SPOT SA ASENSO-PHILIPPINE TOURISM JOB FAIR

332 APLIKANTE NA HIRED-ON-THE-SPOT SA ASENSO-PHILIPPINE TOURISM JOB FAIR

October 8, 2022 @ 1:22 AM 2 months ago


May kabuuang 332 aplikante ang hired-on-the-spot (HOTS), habang natanggap din sa trabaho ang mga nagtapos ng Senior High School, sa ginanap na Trabaho, Turismo, Asenso-Philippine Tourism Job Fair sa Cebu City.

Sa 332 na bilang ng mga HOTS, mahigit sa 20 ang nagtapos ng Senior High School at natanggap bilang new dealer, stock clerk, cashier, service crew, at customer service representatives.

Ang mga posisyon na may pinakamaraming bilang ng HOTS: ESL Teachers, Cashiers, New Dealers, Sales Staff, Service Crew, Office Staff, Customer Assistants, Stock Clerks at Baggers, Customer Service Representatives.

“Ang positibong resulta ng kauna-unahang Trabaho, Turismo, Asenso: Philippine Tourism Job Fair na ginanap noong nakaraang linggo sa SM City Cebu ay nagpapakita ng muling pagbuhay sa industriya ng turismo sa Region-VII at ngayon ay tumatanggap na ng mas maraming aplikante upang tugunan ang kinakailangang manggagawa,” wika ni DOLE-7 OIC-Regional Director Lilia A. Estillore.

“Nagpapasalamat kami sa lahat ng lumahok na employer lalo na sa mga agad na tumanggap ng aplikante. Umaasa kami na mas maraming employer pa ang sasali sa aming mga nalalapit na job fair upang mas marami pang mga aplikante ang mabibigyan ng pagkakataon na makakuha ng disenteng trabaho bilang karagdagan sa mga bagong HOTS,” dagdag na pahayag ni Direktor Estillore.

Sa 1,830 na nagparehistrong naghahanap ng trabaho, 1,232 lamang ang kwalipikado. Humigit-kumulang isang daan ang isinangguni sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa karagdagang kasanayan at may 18 naman ang isinangguni sa Department of Trade and Industry (DTI) para mabigyang pagkakataong makapag-negosyo.

“Maaaring tumaas pa ang bilang ng mga HOTS sa mga darating na araw dahil mayroon din tayong naitala na 182 aplikante na nasa ilalim ng kategoryang Near Hires.  Sa loob ng isang buwan ay maaaring magbago ang ating datos,” paliwanag ng Regional Head.

Ang “Near Hires” o iyong mga naghahanap ng trabaho na itinuturing na maaaring matanggap ngunit kinakailangan pang magsumite ng karagdagang dokumento ay imo-monitor ng DOLE at ang katuwang nitong Public Employment Service Office (PESO) – Cebu City’s Department of Manpower Development and Placement (DMDP) sa pamumuno ni Fidel Magno.