34 banyagang empleyado ng POGO nasagip sa rescue ops sa Muntinlupa

34 banyagang empleyado ng POGO nasagip sa rescue ops sa Muntinlupa

October 1, 2022 @ 12:24 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nasagip ang 34 na banyagang empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) kabilang ang isang Malaysian national sa isinagawang joint rescue operations ng Malaysian Royal Police (Police Attaché’), District Special Operations Unit (DSOU), District Intelligence Division (DID), District Mobile Force Battalion (DMFB), at ng Muntinlupa City Police Station (CPS) sa lungsod.

Sa ikinasang operasyon ay inaresto rin ang hinihinalang namamahala sa lugar ang isang lalaking Chinese national na kinilalang si Qian Jing, 35.

Nag-ugat ang pagsasagawa ng rescue operations matapos makapagbigay ng impormasyon ang isa sa mga biktimang Malaysian national na si Soh Teck Koung, 25, na nagawang makatawag sa kanyang ina sa kanyang lupang tinubuan na namemeligro ang kanyang kalagayan sa bansa.

Ayon sa report, si Koung na isa sa mga empleyado ng POGO ay hindi ibinibigay ang kanyang suweldo at hindi siya makalabas ng gusali dahil ikinukulong sila ng kanilang amo.

Bukod pa dito ay binantaan siya ng kanyang amo na huwag siyang magsusumbong sa mga pulis dahil may masamang mangyayari sa kanya.

Sa tindi ng pag-aalala ng kanyang ina ay agad na ini-report ang sitwasyon ng biktima sa awtoridad ng Malaysia na siya namang nakipag-ugnayan sa mga operatiba na naging dahilan ng ikinasang rescue operation dakong alas-10:30 ng gabi sa Dexin 999 Buidling, Montillano St., Brgy. Alabang, Muntinlupa City.

Sa isinagawa namang beripikasyon ay napag-alaman din na ang naturang kumpanya ay walang maipakitang business permit na manggagaling sa Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Muntinlupa City.

Nahaharap sa kasong serious illegal detention ang suspect na kasalukuyang nakapiit sa detention facility ng Muntinlupa CPS. James I. Catapusan