345 aftershock naitala sa Davao de Oro quake

345 aftershock naitala sa Davao de Oro quake

February 2, 2023 @ 3:36 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng nasa 345 na aftershocks kasunod ng magnitude 6 na lindol na yumanig sa Davao de Oro, Miyerkules ng gabi, Pebrero 1.

Ayon sa Phivolcs, ang mga aftershock ay naitala sa pagitan ng magnitude 1.5 hanggang 3.6 hanggang nitong alas-8 ng umaga nitong Huwebes, Pebrero 2.

Sa mga naitalang aftershock, isa lamang ang naramdaman.

Sinabi naman ni Phivolcs officer-in-charge Dr. Teresito Bacolcol, sa isang televised public briefing, na inaasahan pa ang mga aftershock sa mga susunod na araw at linggo.

“We expect small to moderate aftershocks to occur near the epicenter area, which may continue for several days to weeks but eventually, the number of aftershocks will wane,” pagbabahagi ni Bacolcol.

Pinawi naman nito ang pangamba ng publiko tungkol sa posibleng tsunami.

“There are no threats of a tsunami since the earthquake yesterday hit inland,” paliwanag niya.

Samantala, sinabi ni Raffy Alejandro, spokesperson ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, na nagpapatuloy na ang assessment sa posibleng pinsala ng nangyaring lindol.

Sa kasalukuyan ay mayroon silang naitala na dalawang nasaktan sa bayan ng New Bataan.

“There’s no official report yet on the exact number so far. There were only minor injuries reported to us, which were immediately addressed by their local government and health professionals,” dagdag ni Alejandro.

Matatandaan na 6:44 ng gabi nitong Miyerkules ay tumama ang magnitude 6 na lindol sa timog-silangang bahagi ng bayan ng Compostela. RNT/JGC