34M SIM, rehistrado na – DICT

34M SIM, rehistrado na – DICT

February 21, 2023 @ 5:10 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Tinatayang umabot na sa 34 milyong SIM  sa buong bansa ang naka-rehistro na ngayon sa kani-kanilang  public telecommunications entities (PTEs).

Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT), Undersecretary Anna Mae  Yu Lamentillo, may kabuuang  34,483,563 SIM  na ang naka-rehistro “as of February 19”,  sinasabing 20%  lamang ito ng 168,977,773 SIM sa buong bansa.

Kabilang na rito ang  17.7 milyong subscribers ng Smart Communications Inc.;  Globe Telecom Inc. na may 14.172 milyon, at DITO Telecommunity Corp.  na may  2.61 milyon.

“Patuloy ang paghihikayat natin sa lahat ng gumagamit ng SIM at eSIM na magparehistro na po kayo. Wala pong exempted sa SIM Registration Law,” ayon kay Lamentillo sa Laging Handa public briefing.

“Pagkatapos ng implementation period at hindi nairegister ang inyong SIM card, hindi ninyo na po magagamit ang inyong SIM,” dagdag na wika nito.

Nauna rito, sinabi ni Lamentillo na plano ng DICT na palakasin ang pagsisikap nito na hikayatin ang mas marami pang users na iparehistro na ang kanilang SIM cards, kasunod ng mabagal na pagkakatala sa implementasyon ng “prescribed registration period.”

“Ang aming information campaign ay walang tigil at ngayon ay nasa grassroots na,” ani Lamentillo.

Sa ilalim ng SIM Card Registration Act, obligado ang publiko na may cellphone at gumagamit ng sim cards na magparehistro.

Sinumang hindi mag­rerehistro sa itinakdang panahon ay otomatikong madi-deactivate ang sim card.

Samantala, mayroon lamang 180 days o hanggang Abril 26, 2023  ang mga subscribers para makapagparehistro ng kanilang pre-paid at post-paid sim card upang hindi ito ma-deactivate sa susunod na taon.

Naging epektibo naman ang implementing rules and regulations ng SIM Card Registration Act  noong Disyembre 27, matapos na tintahan ni Pangulong  Ferdinand Marcos Jr. ang nasabing batas noong Oktubre ng nakaraang taon. Kris Jose