354 arestado sa Maynila sa loob ng 24 na oras

354 arestado sa Maynila sa loob ng 24 na oras

July 5, 2018 @ 7:01 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Sa loob lamang ng 24 oras ay umabot na sa 354 katao ang bilang ng mga lalaking naaresto ng Manila Police District (MPD)  sa Lungsod ng Maynila.

Ayon kay Manila Police District-Director Police Chief Supt. Rolando Anduyan, ang operasyon ay isinagawa sa pagitan ng alas-12:00 ng hatinggabi na nagtapos kahapon ng alas-12:00 ng madaling araw.

Kabilang sa mga inaresto ang mga kalalakihang inabutang nag-iinuman sa kalsada, walang damit pang-itaas, nahuling lumabag sa smoking ban, at ang iba naman ay lumabag sa iba’t ibang ordinansa.

Pinakamarami sa mga naaresto ay mga naaktuhang walang mga damit pang itaas na umabot sa 91, kasunod ay iyong mga umiinom sa kalsada na umabot sa 71, naninigarilyo sa kalsada 69, may limang menor de edad din ang binitbit dahil sa paglabag sa curfew ordinance, habang ang 118 ay dinakip naman dahil sa paglabag sa iba’t ibang ordinansa.

Ang mga naarestong lumabag sa mga ordinansa ay sinampahan ng kaso sa Manila Prosecutor’s Office. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)